Upgrade to Chess.com Premium!

Tunay Na Kapayapaan

Tunay na Kapayapaan Isang asawa ng pastor ang nagsabi sa akin tungkol sa panaginip ng anak niyang panganay. Ang panaginip ng anak ay may malaking along humampas sa kanya. Sa biyaya ng Panginoon naipaliwanag ko ito sa kanya na may mabigat na pagsubok ang kakaharapin ng kanyang anak. Ang bunsong anak nama’y nagkuwento ng kanyang panaginip. Nakagat daw siya ng ahas. Namaga siya at dinala sa doktor. Hindi siya napahamak sa kagat ng ahas. Nasabi ko sa kanya na baka magbuntis siya. Hindi umimik ang bunsong anak ng pastor. Nasabi sa akin ng kanyang ina na ganoon din ang sinabi ng tatay ng anak niya. May boyfriend pala ang anak niya. Naniniwala ako na babala sa kanya ang panaginip kung magpapatuloy sila ng kanyang boyfriend sa lihim na pagkikita. Makalipas ang isang taon bumisita ako sa pamilya ng pastor na ito. Nasabi sa akin ng kanyang asawa na ang panganay niyang anak ay ooperahan sa myoma. Malaki na pala ang tumor sa matris nito. Biglang-bigla ang pangyayari. Napansin ng kanyang estudyante na lumalaki ang tiyan niya. Isa siyang dalaga at walang katipan. Nang magpatingin siya sa doktor, malaki na pala ang bukol sa kanyang matris. Makalipas muli ang isang taon minabuti kong bisitahin ang pamilya ng pastor. Naabutan ko roon ang kanilang anak na panganay. Kakaunti pa lamang ang tubo ng kanyang buhok sa ulo dahil sa chemotherapy. Nagpatotoo siya sa kanyang karanasan. Dati rati’y nagtatanong siya sa Diyos dahil siya ang nagpapaaral sa kanyang kapatid. Ngayong may sakit siya papaano pa niya matutulungan ang kanyang kapatid sa pag-aaral sa kolehiyo. Napagtagumpayan niya ang mga katanungang ito nang siya’y manalangin sa Diyos. Sa St. Luke’s Hospital nagulat ang doktora sa kanya dahil maaliwalas ang kanyang mukha. Para siyang walang sakit. Hindi makikita sa kanya ang kalungkutang natatakot siya sa resulta ng operasyon. May katabi ang anak ng pastor na pareho rin ang karamdaman nila. Ang anak pa ng pastor ang nagpalakas ng loob sa katabi niya upang harapin ang pagdaraanang operasyon nila. Naghimala ang Diyos sa pamilya ng pastor. Ang kapatid ng maysakit ay nakapag-aral sa kasalukuyan dahil sa may nagsponsor dito. Hindi rin nahirapan sa gastos ang may sakit dahil nang malamang may myoma siya, nakapirma siya sa isang health insurance. Sinagot ng health insurance ang gastusin sa hospital. Maraming Kristiyano ngayon ang nagpapatotoo na bless na bless sila dahil sa pinagpala sila ng Diyos sa materyal na bagay. Pag wala ng pagpapalang materyal ang iba’y nanlalamig na sa pagpapatotoo na sila’y pinagpapala ng Diyos at nawawala na sa palagiang pagsamba nila. Masusubok ang tunay na Kristiyano kapag dumaraan sa mabibigat na pagsubok sa buhay, hindi sa mga pagpapalang materyal. Kahit dumaraan sa mabigat na pagsubok ang mga anak ng Diyos, ang kapayapaan sa buhay ay di mawawala. Ito ang palatandaan ng tunay na Kristiyano. Habang lalong bumibigat ang problema niya’y lalong nagiging payapa ang kanyang kalooban. Sapagkat tulad ni Moises habang kinakausap niya ang Diyos sa panalangin, hindi niya namamalayan, nagliliwanag na pala ang kanyang mukha (Exodus 34:29-33). Ang isa kong miyembro ay sunud-sunod na namatayan sa loob ng isang taon. Unang namatay ay ang kanyang hipag, sumunod ang kanyang ina, pangatlo ang kanyang ama, at panghuli ang kanyang kapatid na lalaki. Dahil siya’y patuloy kong ipinagdasal at patuloy na nakikinig ng Mabuting Balita, hindi makikita ang kalungkutang nawalan siya ng mga mahal sa buhay. Payapang kalooban pa rin ang makikita sa kanyang buhay. Bandang huli, pinagpala ng Diyos ang miyembro kong ito. Siya ang tumutulong sa mga pangangailangan ng iglesia. Kapag totoo ang paghahanap ng tao sa Diyos, nangako ang Panginoong Hesus na bibigyan siya ng kapayapaang di kayang ibigay ng sanlibutang ito.”Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa, huwag kayong matakot” (Juan 14:27). Sa talatang ito, dito ko naunawaan kung bakit ang mga sinaunang Kristiyano ay kumakanta habang pinapakain sa mga leon, sinusunog ng buhay, at marami pang pagpapahirap sa kanila. Ang takot at pagkabalisa ay nawawala kapag patuloy siyang nagtitiwala sa Panginoong Hesu-Kristo. Ito ang naging sekreto ng anak ng pastor kung bakit nakayanan niya ang pagsubok na dumating sa kanyang buhay. At ang miembro ko’y ganito rin ang pinanghawakang talata kung bakit nakayanan niya ang pagsubok sa kanyang buhay na may kapayapaan pa rin siya. Kaibigan, kung wala kang kapayapaang natatamo sa mga suliranin mo sa buhay, maaaring may kulang sa iyo: ang paglapit sa Panginoong Hesu-Kristo na nagbibigay ng tunay na kapayapaan. Ang tunay na Kristiyano ay tulad ni Jonas na kahit lulubog ang barkong sinasakyan niya’y mahimbing pa rin ang kanyang pagtulog. Ibig sabihin nito’y hindi ka matatalo ng mabibigat mong suliranin sa buhay na mag-aalis sa iyo ng kapayapaan (Isaiah 43:2). Kung di mo matagpuan ang kasayahan isang talata ang iiwan ko sa iyo: “Lumapit kayo sa akin (Hesus), kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko” (Mateo 11:28).


    • Ina: Sagot Sa Kagipitan

               “Misis, mabubulag po ang inyong anak kung hindi siya paooperahan ng mabilisan.” Ito ang sinabi ng doktor sa aking ina. Kinakailangang gumastos ang aking ina ng daang libo para lamang sa operasyon ng aking bunsong kapatid.   ... | Read More

    • Napakasakit Kuya Eddie

      Napakasakit Kuya Eddie Sa awiting “Napakasakit Kuya Eddie” isang ama ng tahanan ang pumunta sa ibang bansa upang magtrabaho alang-alang sa kanyang pamilya. Tiniis niya ang hirap at pangungulila upang makapag-ipon lamang ng pera. Nang siya’... | Read More

    • Natupad Ang Kahilingan

       “Your wish is my command.” Ito ang pagkakasabi ng isang Genie matapos siyang magbigay ng isang kahilingan sa isang taong nakapagpalaya sa kanya sa daang pagkakakulong sa isang lampara. Isang pastor ang aking nabisita ang humiling sa Diyos si... | Read More